Sun, 17 Nov 2019

Mga proyekto ng pamahalaan sa Balite, Magpet umaarangkada na

Philippine Information Agency
24 Oct 2019, 10:38 GMT+10

MAGPET, North Cotabato, Okt. 23 (PIA) - Kasabay ng paglunsad ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa Barangay, Balite, Magpet, North Cotabato, nagsimula na rin ang pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran sa lugar.

Bago nagtapos ang Serbisyo Caravan sa Balite noong Oktubre 15, pinasinayaan ang pagsisimula ng P12.4-milyong access road rehabilitation project na may kasamang drainage improvement mula sa sentro ng Barangay Balite patungo sa Sitio Natayucan.

Pinangunahan ang launching ceremony nina DILG XII Regional Director Josephine Leysa, North Cotabato Acting Governor Emmylou Talino-Mendoza, Magpet Mayor Florenito Gonzaga at Balite Chairman Edgar Handoc, kasama ang mga opisyal ng iba't ibang ahensiya na lumahok sa Sebisyo Caravan.

Sakop ng nasabing proyekto ang 800 metrong bahagi ng tinatayang limang-kilometrong kalsada. Ang nalalabing bahagi ng kalsada ay nakatakda na ring ayusin sa batay sa plano ng RCSP.

Samantala inihayag ni Engr. Jupiter Rubino, municipal administrator at Board of Director ng Cotabato Electric Cooperative sa Magpet District na susunod na rin ang pagpapatayo ng linya ng kuryente papasok sa Sitio Natayucan.

Sa pagpapatupad ng nasabing proyekto, maliban sa linya ng kuryente, 60 na pamamahay ang makikinabang ng libreng house wiring at labor, dagdag ni Engr. Rubino.

Sa kabilang dako, sa 2021, magpapatayo din ang pamahalaan ng housing project na may 100 bahay at may kabuuang halaga na P20 milyon sa nasabing sitio, ayon kay Engr. Zenaida Cabiles, regional manager ng National Housing Authority.

Ayon kay Engr. Cabiles, mas mapapadali ang pagsisimula ng proyektong pabahay sa Sitio Natayucan kung mapapabilis ng lokal na pamahalaan ng Balite at Magpet ang pagpoproseso ng mga kailangan papeles at ibang kailangan para sa naturang proyekto.

Naghahanda na rin ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) XII sa pagsisimula ng skills training ng mga dating rebelde at mga interesadong residente ng Balite.

Ngayong linggo, tutungo ang ilang opisyal ng TESDA XII, sa pangunguna ni Regional Director Rafael Abrogar II, upang magsagawa ng orientation para sa pagsisimula ng skills training sa Shielded Metal Arc Wielding (SMAW) NC 1.

Naunang ipinaliwanag ni Josephine Leysa, regional director ng Department of the Interior and Local Government ((DILG) XII, ang Serbisyo Caravan ay simula lang sa mas komprehensibong pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga barangay lalung lalo na sa mga lugar na nakitaan ng impluwensiya ng makakaliwang grupo.

Gagawin ito sa pamamagitan ng Retooled Community Support Program kung saan tulung-tulong ang iba't ibang ahensiya ng gobyerno at pamahalaang panlalawigan, munisipyo at barangay sa paglutas ng pangangailangang pangkaunlaran ng lugar.

Maliban sa mga nabanggit, tinukoy rin ng Konseho ng Barangay Balite ang iba pang proyektong maaaring ibigay ng pamahalaan para ikauunlad at pananatili ng kapayapaan sa kanilang kumunidad.

Kabilang dito ang farm-to-market road papunta sa iba't ibang sitio at karatig na barangay, water system, karagdagang mga silid-aralan, multipurpose covered court, livestock dispersal, tulong pangkabuhayan, mga solar dryer, at iba pa. (DED/PIA12)

More Seattle News

Access More

Sign up for Seattle News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!